kwentong mula sa hypothalamus



E.B.


 “Nasa Quiapo Church na ako.” Text ni Tisay. Ang lakas ng ulan, kumukulog at kidlat pa, tumataas na ang baha at bumabagal pa ang takbo ng trapiko. Samantalang ako, nasa loob pa rin ng jeep na naipit sa gitna ng trapik sa Maceda, Espanya, basa na sa agiw, tinitiis ang masang-sang na amoy mula sa umaapaw na basura sa nakabukas na kanal at tubig-baha.

 Nagdadalawang isip tuloy akong ituloy ang pagkikita namin ni Tisay. Parang wrong timing kasi. Alas kwatro na, may pasok pa ako sa trabaho mamayang alas siete. Mukhang minamalas ata ako ngayon. Bakit pa kasi ako pumayag na makipagkita sa kanya ngayon? Pwede naman bukas, Linggo, walang trabaho. Bakit kasi Sabado pa? Para tuloy akong nakikipaghabulan sa oras. At bakit kasi ngayon pa umulan? Pwede namang ibuhos ang ulan kaninang umaga kung atat talagang paliguan ang lupain ng Metro Manila, at tumila na lang bandang alas tres ng hapon para hindi naman hassle ang unang pagkikita namin.

Si Tisay ang nag-set ng EB na ‘to, naming dalawa lang. Gusto na daw kasi nya akong makita. Although nakita na nya picture ko sa facebook, at nag-send na din sya sa’kin ng picture nya. Masyado syang mapilit at makulit, kaya pumayag na lang ako. Pag maganda sya sa personal, eh di sulit. Pag hindi, uwian agad.

Isa si Tisay sa madalas kong makakulitan sa Uzzap, room ng Masbate 1 at Masbate 3.  Pero regular chatter sya ng Masbate 3, taga-M1 naman ako, pero present din sa lahat ng Masbate rooms. Makulit at malambing sya sa lahat, kaya naman madali syang nagkaroon ng maraming kaibigan. Ganun din ako, kaya siguro nagkasundo kami. Kahit na minsan maharot sya, natutuwa pa rin ako sa kanya.   Palabiro ako pag nasa room, pero sinisiguro ko na wala akong masasakatan sa mga biro ko. Seryoso kasi akong tao. Hindi ko tinanggap sa isipan ko ang magkagusto ako kay Tisay dahil lang sa mga paglalambing nya, dahil sa tingin ko, likas na sa kanya ang pagiging malambing. At ayoko ding umasa agad, nasaktan na  ako. Pahinga muna ang puso ko, baka bumigay na at tuluyan nang mawasak pag nuhulog muli at walang sasalo. Pantay-pantay lang ang turing ko sa lahat ng nakaka-chat ko. Para sa’kin, lahat sila mga kaibigan ko, nakakakwentuhan, tuksuhan, kulitan, asaran at bigayan ng load at proxy. Pero aaminin ko, sa lahat ng tinutukso sa’kin, natatangi si Tisay. Di ko maipaliwanag kung bakit. Basta, naiiba sya. Lagi nya akong kinakausap at kinakamusta. Minsan napipikon ako sa mga pang-aasar nya, pero mas madalas akong napapatawa. Nawawala pagod ko sa mga hirit nya.

Pero talagang kakaiba din ang araw na ‘to. Natulog agad ako pagkalabas ko sa trabaho, mga alas siete ng umaga. Di ko muna inisip na magkikita kami mamaya ni Tisay, baka sumakit lang ang tiyan ko. Ayoko din ma-excite, baka ma-disappoint lang ko. Ayokong mag-imagine nang pwdeng mangyari, baka kabaliktaran lang ang kalalabasan. Relax lang. Nagising ako bandang tanghali na. Kumain at pinilit ulit makatulog at hiniling na sana magising ng 5 ng hapon, may dahilan para di matuloy ang pagkikita namin. Hahaha! Aaminin ko, natatakot at kinakabahan talaga ako. May mga EB na din akong sinipot, pero karamihan, Group eye Ball o GEB ng M1. Pero pag iniisip ko na magkikita kami na kaming dalawa lang, parang ayoko nang mag-isip! Nakakatakot kasi pag first time. Di ko alam kung ano iisipin ko, at kung ano iisipin nya sa’kin. Di pa ako handa sa maaaring mangyari sa pagkikita naming. At sa maaaring magbago pagkatapos ng pagkikita naming. Feeling ko hindi pa ito ang tamang oras. Nahiga ako at pinilit makatulog. Pero 45 minutes pa lang ata ang tulog ko, nagising agad ako. Nagtext si Tisay. Tuloy daw kami mamayang 4pm sa Quiapo. Sa loob ng Quiapo Church, para daw may thrill ang pagkikita, saksi pa ang Mahal na Poon Nazareno. Magsisimba na daw kami diretso para walang mamuong anumang kasamaan at pagpalain naman kami. Kinakabahan talaga ako. Hindi ako mapakali. Lumabas ako para bumili ng pagkain, gamot, tsinelas, casing sa cellphone ko, at kahit na ano, maging alibi ko lang para ma-late ako at di na matuloy ang pagkikita naming mamaya. Andun naman si Mahal na Poon Nazareno, Sya na lang ang magpaliwanag kay Tisay ng kabang nararamdaman ko ngayon. Pero wala akong nabili, napagod lang ako kaya umuwi na lang at nakonsyensya sa mga masasamang iniisip ko.

Bandang alas tres na ng hapon nang sumakay ako sa jeep papuntang Quiapo. Wala naman sigurong masamang mangyayari mamaya. Sa simbahan naman kami magkikita. Mukhang ayos naman ang lahat. Masyado lang siguro ako nagpapadala sa insecurities ko at pagdududa kaya ako natatakot.

Maaliwalas naman ang kalangitan kanina bago ako umalis, kaya sino mag-aakala na uulan bandang 3:45 ng hapon? Puteek! Basa na ako, ang baho pa. di ako makalipat ng jeep, baha na sa Espanya. Parang gusto ko na magsisi dahil tumuloy pa ako. Hindi din ata pabor ang kalikasan sa mga plano naming. 4:20pm, nasa Quiapo na kami. Umuulan pa rin, pero di na malakas. Wala akong dalang payong kaya tumakbo na lang ako papasok ng simbahan. Siksikan sa pintuan, madaming taong nagsisimba. Haggard! Asan kaya si Tisay? Nasa kanang pintuan daw sya banda, main door. Naka-white blouse at blue maong jeans. Ang daming tao, ang dami din naka-putting blouse, paano ko kaya sya makikita nito? Pambihirang thrill ‘to! Naglakad ako at dahan-dahang nakipagsiksikan sa mga tao at hinanap ang katagpo ko. Nakakahiya sa Mahal na Diyos, pero parang di naman halata ng ibang tao na may hinahanap ako. Sa paglilibot ng aking mga mata, hindi ko man lang napansin ang katabi kong dalaga. Nakatingin lang sya sa’kin. Hindi ako nakapagsalita sa mga titig nya, at parang biglang natahimik ang paligid. Nakatingin lang ako sa kanya habang nakatingin din sya sa’kin. Tinitignan ko ang bilugan nyang mga mata, matangos na ilong at mapupulang labi. Natauhan lang ako nang ngumiti sya at nagsabi ng “hi!”

Para kang timang dyan! Di ka na gumagalaw,” sabi nya, sabay tulak sa’kin. Matangkad, mahaba ang buhok, maputi at naka-white na blouse at blue jeans na maong. Katabi ko na pala ang hinahanap ko. Nakita ko na ang katagpo ko. Dumating na ang babaeng hinihintay ko sa buhay ko. Andito na sya at totoo sya. “Pasyensya na na-late ako. Traffic kasi.” Sagot ko sa kanya habang nakatingin pa rin sa kanya. Nawawalan ako ng sasabihin. ano ba 'to!

Nagsisimula na ang misa nang dumating ako kaya napag-usapan namin na patapusin na lang ang naunang misa at hintayin na lang ang sususnod, late na din pala syang dumating. Ilang minuto din kaming magkatabing nakatayo dun. Minsan nagkakabanggaan ang braso dahil sa mga taong dumaraan sa palibot. Masikip talaga ang paligid kung titignan. Pero para sa’kin, balewala ang mga dumaraan. Di ko nga sila naiisip. Okupado  ang utak ko sa kalagayan naming ni Tisay. Ang gaan ng pakiramdam isipin at tingnan na katabi mo na ang taong nagpapasaya sayo gabi-gabi at minsa’y pinapangarap na makasama. Sya na lang nagging sentro ng atensyon ko.

Natapos ang naunang misa. Naupo kami sa may gitnang upuan, magkatabi. Kapag ganitong sitwasyon, parang ayoko nang gumalaw pa ang oras. Parang gusting gusto ko magdasal at magpasalamat kay God sa pagkakataong ito. Katuparan na. ang dating nakaka-chat ko lang, kakulitan at nagpapangiti sakin kapag ako’y nag-iisa, ngayon, nakita ko na, kasama, nakausap sa personal at katabi ko pa. mas higit pa ang kaligayahan ko ngayon ko ngayong kasama ko sya kaysa pag katext at ka-chat ko lang sya. Magaan syang kasama. Nahihiya pa akong kausapin sya nung una, pero nginingitian nya lang kao, nawawala na ang tension. Sa mga galaw nya, pinaparamdam nya sa’kin na magiging maayos din ang lahat.

Nag-merienda muna kami saglit pagkatapos ng misa. Ang bilis nga, natapos agad. Gumagabi na din, kailanagjn na nyang umuwi, at kailanagn ko na ding makabalik sa bahay para mag-ayos sa pagpasok ko sa trabaho mamaya. Hindi kami masyadong nagkwentuhan, tamang usapan lang. Kung wala lang akong pasok mamaya, gusto ko sana sya ihatid sa bahay nila. Ayokong basta-basta na lang sya sasakay sa jeep mag-isa. Tsaka, gusto ko pa syang makasama. Pero, hanggang sakayan na lang ata ako ng jeep sa ngayon. Hanngang “ingat ka sa pag-uwi. Mag-text ka pag nasa bahay ka na, ha?” Hanggang tingin lang muna ako sa jeep na sinasakyan nya habang lumalayo sa kinatatayuan ko. Hanggang ditto lang muna ako. Kalma lang. Masyadong mabilis ang mga pangyayari, kumabog agad ang puso ko nang di man lang na-alerto ang utak ko. Nakatingin pa rin ako sa direksyon kung saan lumiko ang jeep na sinakyan nya. Muntik ko nang makalimutang may pasok pa pala ako.

Mula nung makita ko syang nakatingin sya sa’kin, hanggang ngayon, habang nasa trabaho na ako, di na sya naalis pa sa isip ko. Sandali lang ung pagsasama naming kanina, pero sapat na yun para makabuo nang magandang alaala at simula nang isang pangarap. Nawala na ang pangamba ko sa maaring maging epekto ng pagkikita naming. Naiisip ko pa rin ang mga sandaling nakasama ko sya. Nakausap at nakakulitan sa personal. Mga tawa at ngiti na akala ko hanggang sa chat room lang. parang gusto ko na ulit mag-online, baka sakaling online na sya, di na kasi nagre-reply.

Nawala ang takot ko, napalitan ng saya at kilig. Pati pangamba sa puso ko, naglago na at nabago ng pananabik. Pananabik na makita at makasama sya ulit. Hindi naman siguro sa lahat ng pagkakataon, kalikasan ang magsasabi kung nasa tamang panahon na ba o hindi pa. Kailangan pa rin nating pumili at magdesisyon para sa katuparan o kabiguan ng ating mga nakatagong pangarap. Tayo pa rin ang kikilos para harapin ang hamon ng tadhana at manindigan sa ating nararamdaman. Kailanagn lang maniwala at magtiwala.
Nagreply na si Tisay, nakauwi na daw sya, with smiley pa text nya. Masaya daw sya sa aming pagkikita. Ngiti din ako. Masaya din ako. Tumatalbog talbog pa puso ko. Sana maulit pa yun. Di na ako mag-iisip ulit ng negatibo. Sya lang iisipin ko. Kahit saan at kahit kalian, kahit anong oras, basta magkikita ulit kami, pupunta ako. Hindi ako magrereklamo kahit bumabagyo at bumabaha. Titiisin ko ang amoy, okay lang mabasa, okay lang matrapik, basta ba alam ko sa pupuntahan ko andun si Tisay naghihintay. Makikipagsiksikan ako sa madaming tao makita ay makasama ko lang ulit ang pinaka-espesyal na babae sa buhay ko ngayon, sabihin nya lang, “Nasa Quiapo Church na ako.”


-guywaitingforyou-